H’wag Sayangin Ang Iyong Kabataan
Kabataan na nabubuhay na malaya at tahimik
Sa kandungan ng mapagpalang mundo na nagbigay
Ng liwanag, lakas at pag-asa na kasama ang aking
Mga kaibigan at kalaro:
kami ay masayang naglalaro
Ng taguan, bahay-bahayan, lumalangoy sa gitna
Ng malamig at malinaw na tubig sa ilog, umaakyat
Sa mga punong kahoy, nagtatakbuhan sa pisngi
Ng mapuputing buhanginan sa dalampasigan
At sa malawak na parang at nagkukunwari na
Kami’y lumilipad sa hangin ‘tulad ng mga ibon…
Ngayon ang katawan ko’t mga paa’y nakakaramdam
Na ng pananakit hudyat ng pagtanda, ang lakas ko
Ay nagbago na, natatakot sa tuwing naririnig ang
Awit ng orasan na nakapako sa dingding
at ang
Mga nakabibinging mga iyak at sigaw sa paligid ko
Sing-lakas sila ng dagundong ng kulog at kidlat
Na umiiko sa matataas na kabundukan
Na lalung nagpapalala ng aking takot…
Alam ko na ang lahat ng bagay sa ibabaw ng mundo
Ay may oras ang pagdating at paglisan, nguni’t
Sa kabila ng katotohanan ay pangarap ko na
Humaba pa ang buhay ko at manatili ang aking
Kabataan
upang lubusan kong mayakap at bigyan
Ng sapat na pagpapahalaga ang tunay na ganda
Ng Inang-Kalikasan habang hindi pa napaparam
Ang liwanag ng nakasinding kandila ng buhay ko!
No comments:
Post a Comment