Hinagpis Ng Isang Bayani
BY PAULINO O. PRUEL
Posted by Bulatlat
Posted by Bulatlat
Kay sarap pakinggan
Tagos sa puso't isipan
Tawag sa iyo Bayani ng bayan
Sa panahong kasalukuyan
Hinahangaan sa iyong katatagan
Nilisan mo ang sariling bayan
Hanap ay magandang kapalaran
Sa ibayong dagat makikipagsapalaran
Lungkot sa pamilya handang labanan
Haharapin anumang kagipitan
Makamit lamang magandang kinabukasan
Kapalit ay lumbay at kalungkutan
Ang sobrang pagod sa maghapon
Buti-butil na pawis sa katawan
Sigaw at pasakit ng among pinaglilingkuran
'Di alintana dahil sa mga mahal sa buhay
Hanggang kailan ang pagtitiis mo, kabayan
Na kayanin ang lahat ng iyong paghihirap
Sa kuko ng abusadong amo, ika'y sinasaktan
Sa araw at gabi sadsad ka sa kapaguran?
Dagdag-pasakit, buwanang sahod nabibitin
Minsan ginagawang ATM, after three months
O 'di kaya pagkatapos ng anim na buwan
Wala kang magawa kundi ang tanggapin
Sinubok mong isumbong ang iyong kalagayan
Sa Konsolada't Embahada ng ating pamahalaan
Pinangakuan ka ng tulong kaya naghihintay
Pero pangako'y hindi pa natutupad
Tanong mo sa sarili, Bayani nga ba ako kabayan?
Ganito ba inaalagaan ng ating pamahalaan
Ang kapakanan ng mga manggagawa sa ibayong dagat
O sadyang tayo ay tuluyan nang nakaligtaan?Riyadh City/KSA
No comments:
Post a Comment